Sampung taon akong kumain ng pagkain sa canteen namin. Siguro sapat na panahon na iyon para mabigyan ko ng "food critic's review" ang mga pagkain na makikita dito. Pero dahil matagal na akong nakalaya nakatakas nakagraduate, marami siguro dito sa mga pagkain na ito ay hindi na binebenta sa iskwelahan ko. Siguro sa impyerno meron pa rin silang concession, pamparusa sa mga taong di namimigay ng chips pag recess. Anyway, eto ang mga natatandaan ko.
(tuloy)
Spaghetti - nakakain ka na ba ng spaghetti ng walang tinidor? Ako oo. Kasi sa canteen namin, kutsarang pang ice cream ang kasama nya pagbili mo, tapos yung spaghetti, nakalagay sa maliit na platitong karton na sa sobrang nipis eh mukhang matutunaw na dahil sa sauce. Pano yun kakainin ikamo? Itatapat mo ang platito sa bibig mo tapos itutulak mo yung spaghetti sa bibig mo. Di ka maniwala pero epektib sya, kundi lang kadiri tingan. (ngayon siguro, pero dati normal lang samin un) Malasa naman ung spaghetti, salamat sa ketchup na nakabuhos dito. Minsan din maasim sya, dahil yung mga nakadisplay, katabi lang ng suka na pinanlalagay sa lumpia. Speaking of which...
Lumpia - Pritong lumpia. Snack pag recess, pwede na rin ulam pag tanghali sa nagtitipid. Isa ito sa mga matitinong pagkain sa canteen namin, wag mo lang itatanong kung anong karne ang ginagamit nila. Ikaw ang bahala kung gaano karaming suka ang ilalagay sa lumpia mo, at kung gano karaming suka ang itatapon mo dun sa mga katabing spaghetti para makabawi sa mga naglagay din ng spaghetting kinain mo kahapon.
Soft Drinks - Tanda ko nung isang beses, humihingi ako ng plastic cup sa canteen at sabi nung isang canteener na 6 pesos daw yung cup. 8 pesos ang coke dati, so ang ibig sabihin, 2 pesos lang talaga ung soft drinks. Tinanong ko kung 2 pesos na lang ang babayaran ko kung wala na ung cup at may sarili akong baso. Sinimangutan lang ako. Yung coke namin, nakakalibang. Mauubos ang oras mo sa pagdedecide kung ano ang mas nangingibabaw na lasa, yung pagkalasang singaw, o yung pagkalasang ipis. Di mo rin naman mapapansin, kasi sa sobrang dami ng mga patay gutom mong kaklase (at di kakilala minsan) na makikiinom, di mo pa nasasabing "Kadire!" ubos na rin ito agad. Awa ng diyos may yelo naman sya, parehong yelo na makikita mo tuwing umaga e kinakaladkad sa sahig ng campus galing sa delivery truck.
Barbecue - Yung barbecue ata nung pumasok ako ng HS, yun pa rin yung binibenta nila nung huling araw ko nung highschool. Di ko rin alam kung bakit, at misteryo pa rin sa akin hanggang ngayon kung bakit araw araw nakikita ko na nagiihaw sila ng barbecue (na muntikan na makasunog ng building namin noong grade 5 ako) pero gayunpaman, lasang luma pa rin sya.
Menudo/Mechado/Afritada - Walang kamatayang ulam na kahit ano pa itawag nila, iisa lang ang lasa. Bawal siguro gumamit ng spices sa school namin, baka kami maging masyadong masaya. Pag di nabenta ang isang ulam, kinabukasan, magttransform sya at iba na ang tawag sa kanya (pero ganun pa rin ang lasa)
Lugaw - Marap ang lugaw samin. Paibaiba rin ang laman, minsan tuwalya, minsan chicken, minsan buhok ng canteener (jackpot pag kulot at makapal). Surprise in every cup, ika nga. Mura lang ang lugaw sa amin, kailangan lang ng 5 pesos at lakas ng loob.
Hotdog Waffle - Yung hotdog waffle namin, siguro Japanese hotdog waffle, kasi yun hotdog sa loob, kalahati lang ng size ng normal na hotdog. Yung waffle batter, wala rin hugis, para siguro lumawak ang aming imahinasyon bilang estudyante. Yung sauce ng waffle, nasa likod ng bakal na grills na nagsisilbing proteksyon ng mga canteeners laban sa mga gutom na estudyanteng nagbabalak magnakaw ng sauce (siguro may nangyari nang ganito dati kaya protektado yung lalagyanan), kaya tuloy, pagdukdok mo ng waffle, kakaskas ito sa kalawangin na bakal at automatic na mafofortify with iron ang pagkain mo.
Kwentong Kanteen
Saturday, June 05, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
One word lang kuya-Yuck.
Grabe, kelangang ipasara na yang eskwelahang yan.
Buti wala pang nababalitang estudyanteng namatay ng typhoid sa school n'yo.
LOL XD Soooo true ! specially the afritada/menudo/mechado...
bulok talaga ang canteen ng SAS
Post a Comment