Panuto: Mas mahaba pa ito sa naunang liham na ipinadala ko noong isang taon. Magbigay ng ilang oras para matapos ang babasahing ito. Wag gawin sa 15 minute break kung ayaw mo maoverbreak. (bawal kasi marelaks dito) Kung wala ka namang ganung karaming oras, laktawan mo na ang lahat ng salita pagktapos ng pangungusap na ito:
"Paalam at salamat po."
Pero since nagbabasa ka pa rin, buckle up. Mahaba ulit ang pasada.
Sino nga ba ang magaakala no? Isang taon at kalahati matapos kong isulat yung mail sa baba, sumusulat nanaman ako ng farewell letter. Anak ng teteng naman. Dapat pala yung sinulat ko last time, yung reusable na, parang lampin. Eh di sana nakatipid ako ng oras na pwede kong gamitin para sa pagiging drain to the economy (i.e. petiks).
Marami na rin nangyari simula ng sinulat ko yung huli kong farewell letter. Lumipat ulit tayo ng office. Hindi na mga seaman ang mga kasama natin sa floor. (mga Jebsen and Jessen engineers na). Yung dating redlight district at dagat na nakapalibot sa office natin, naging "middle of f'ing nowhere" at talahiban na (ayon yan sa mga dalubhasang eksperto at job applicants na gumamit pa ng GPS para mahanap ang lugar natin).
Lumaki na rin ang office natin. Noong una ako dumating sa kasulukyang opis natin, sabi ko "shet ang laki nito. Pwede pa tayo magtayo ng sauna, gym, at fishpen." Akala ko lang yun. Eh ngayon nagsisiksikan na tayo. Ultimo pantry pala, hindi kasya. Speaking of which, bago man lang ako umalis, gusto ko sana magpasimuno ng charity work dito. Magiiwan ako ng "Piso Para sa Pantry" na hulugan ng barya. Ang mga proceeds nito ay gagamitin upang ipambili ng mga upuan na hindi nagiisplit kung kelan mo gusto, para hindi tayo naglalaro ng Trip To Jerusalem na walang music every lunchtime.
At higit sa lahat, dumami na rin tayo. Sa totoo lang, may mga araw na napapaisip ako kung tumatanda na ako dahil parang arawaraw may mga bago akong mukha na nakakasalubong sa office. (to be fair, yung iba, mahilig lang talaga magexperiment ng makeup). Buti na rin na nagkaroon tayo ng outing, kahit papaano nakilala ko rin ang mas marami sa mga taga FEP team. (thanks committee members~ special heads up sa Team EBAC!) Natutunan ko na hindi pala sila iba sa atin. Ordinaryong tao rin pala sila na dumaraing sa mga problema na dinaraing natin (at hindi pala sila kumakain ng tao gaya ng una kong hula. Peace tayo. Mapait ang lasa ko)
Marami na rin ang umalis. Umaalis. Aalis. Minsan nagugulat pa rin ako kapag sinisilip ko yung mga lumang pictures natin. Andami dun nawala na. Nangibangbansa, nangibangkumpanya, nagibangkasarian. (joke lang ung last, pero hangga't walang ebidensya lang) Sila Marghil, Kenneth, Ma'am Lee, Bryan, Cris tae, Alvin, Marock, Rhen the 1st, Katkat. Ako na ang susunod sa kanila. Inisiisip ko na lang, at least nasa mas masayang lugar na sila ngayon. At yun naman ata ang pinakaimportante sa lahat.
Halos limang taon din ako lumagi dito. Sa edad ko, 20% na sya ng talambuhay ko. Mas mahaba pa sa kindergarten, sa highschool, at sa college. Andami ko rin natutunan (see below email for more details). At bilang team lead, lalo pa lumago ang mga nalalaman ko. Heto ang ilan sa kanila:
- Hindi pala lahat ng tao gusto umakyat sa corporate ladder. May mga taong alam na agad ang kahalagahan ng pagkakuntento. Sila ang mga swerte kasi alam nila kung saan sila liligaya, at alam nila na nakamit na nila ito.
- May mga bagay na pwede mong ipilit sa isang tao at mayroon ding buhay at kamatayan ang nakataya kapag pinwersa mo. Kung di ka matututong alamin kung alin ang alin, magiging mahirap ang buhay mo.
- Walang trabahong madali. Nagiging mas mahirap lang talaga sya kapag ugaling impakto ka. Kaya dapat, laging mabait at sincere.
- Mas mahirap humawak ng tao kesa humawak ng mga program, kasi ang program lahat ng instructions mo nirurun basta may kuryente ang computer. Ang tao, depende sa mood, skill, morale, food and sugar content, at Starbucks saturation levels. Parang rocket science.
- Pero mas masaya din na tao ang kaharap mo, kasi ang computer baduy magjoke at hindi marunong ngumiti.
- Kapag nagmamanage ka na, hindi lang yung nasa baba ang minamanage mo. Pati rin sa taas at sa sideways. Advantage pag may extra kang kamay.
- Ang team lead, walang silbe kung wala sa kanya ang suporta ng kanyang teammates, at sa dulo ng lahat, ang makapagpapatagumpay sa isang project ay ang collective effort ng lahat. Walang superhero. Walang Bayani (Fernando).
At marami pang iba.
Pero heto na nga ako, nagresign na rin. Mahabang nobela ang kalalabasan kung magkukuwento ako kung bakit pero ang nais ko lang sabihin, kahit siguro matanda na ako, hindi ako magsisisi. Masasabi ko sa sarili ko na hanggang sa huling sandali, sinubukan kong paganahin ang pwedeng paganahin sa lahat ng makakaya ko.
Kinulang lang talaga sa gasolina.
Last day ko na ngayon kaya di na rin siguro ako magpapaligoy ligoy. Gusto kong umalis dito na nasabi ko ang lahat. Ani nga ng sinulat ko dati sa Girl's Diary,
"Life is like that sometimes. That is why when you have something to tell to somebody you love, never wait for tomorrow. Tomorrow is life's luxury that can as easily be taken away that it never comes, and the opportunity to change how things turn out will be lost forever."
Mga bagay na gusto ko sabihin dati pa na di ko rin masabi sa napakaraming kadahilanan:
1. Inaamin ko na. Nagtotorrent ako sa dati nating opisina kapag weekends. At pag may overnighters, tinatanggal ko ang filter paminsanminsan para makapfacebook. Alam ko na dapat role model ako kasi kasama ako sa nagiimplement ng rules, pero sadyang pasaway lang talaga ako.
2. Marami dito sa office ang nagiging cute pag nakangiti at nakatawa kaya kahit korni lagi ko sinusubukang magjoke. Selfish, oo na, pero gusto ko talaga magtrabaho sa isang opisina na hindi mukhang berdugo ng bilibid ang mga kasama ko.
3. Closet chismoso din ako, kaya kahit mabagal ako sa balita, umaabot at umaabot din sakin ang mga bagay bagay. Makulay talaga ang buhay dito, kulang na lang si Ruffa Guttierez at Cristi Fermin (pasensya na, TV5 lang ang malinaw sa bahay).
4. Wag na kayo masyado magalit sa mga amoy putok na Chinese. Wala lang talaga sa kultura nila yun, in the same way hindi tayo dapat pagalitan kung di tayo marunong magkungfu. Maglakas loob na bigyan sila ng payo. At wag pilitin ang mga kababaihan na magahit ng kilikili. Baka seksi sa kanila yon. Kanyakanyang trip lang yan.
5. Okay lang ang magtuksuhan pero dapat hindi rin sobra sobra. Hindi nakabubuti kung puro negatives lang tayo. Alam kong parang pang matanda yung comment na to, pero dapat balanse lang. (i.e pag tinawag mo pangit, sabihin mo naman na saksakan ng bait sya)
6. Alam nyo, kung iisipin natin hindi naman lahat ng nangyari satin dito masama. Dahil sa may mga taong nagpahirap ng buhay natin, nagkaroon tayo ng common enemy at natigil din ang mga maliliit na alitan natin. Naging mas close tayo. Natuto tayo na maging united against the same problem. At dahil hindi pa tayo patay, mas lumalakas tayo. Kumbaga sa Smurfs, kung wala si Gargamel, siguro nagcivil war na tayo dito at binitin ng patiwarik si Papa Smurf dahil masyado syang trendsetter. (pasensya na sa mga taong hindi na inabutan ang Smurfs. Abangan na lang ang live-action remake nito starring Lady Gaga)
7. Manok na bata.
8. Humihingi ako ng patawad sa mga tao na nasaktan ko sa tagal ng pagstay ko dito. Alam kong hindi ako ang pinakasensitibong tao at madalas ay nakakasakit na ako, hindi ko pa namamalayan. Sa mga pagkakataon na parang di ako marunong makibagay sa emosyon ng mga tao, sa mga pagkakataon na hindi ako magkapagseryoso pero dapat, sa mga pagkakataon na nababalewala ko ang mga effort ng mga tao lalo na ng mga malalapit sa akin, paumanhin. Alam kong napakarami kong kasalanan sa inyo at nagpapasalamat ako na natanggap nyo pa rin ako kahit papaano.
9. Pasensya na kung hindi natupad yung "Last Man Out" strategy. Forever guilt ko na siguro yung idea na marami akong trabahong iniwan dito na hindi pa tapos, at mga pangakong di pa natutupad. Lalo na sa inyo.
10. Mahal na mahal ko kayong lahat. Parang pamilya na kayo sa akin. Maraming salamat sa lahat. Yun lang po talaga ang nais ko sabihin. Maarte lang talaga ako sumulat ng mga ganitong bagay.
Maliit lang naman ang mundo, lalo na sa pag sa mundo ng IT. Feel free po na tawagan ako sa cellphone number ko:
May mga contacts din po ako online. Sa facebook at sa yahoo,
Kung may oras at pondo kayo, suportahan nyo rin sana yung iba ko pang mga kalokohan sa buhay. Statement Magazine June edition comes out first week of June available at all leading bookstores nationwide, featuring Derek Ramsey (eto yung hinahantay mo Gold), Maiki Oreta (eto naman yung hinahantay ko), Kenneth Yu Chan (yung hindi nakapaghantay na magresign ako), and other forgettable people in scantily clad poses. I think I have written three articles there. Kung may time kayo, daan din sana kayo sa Alchemy Bar sa Tiendesitas every Thursday. Standup Comedy Open Mic nights. I'm planning to make a comeback din dun (kailangan ko ng tagapalakpak). Libre entrance, libre inom (tubig). Babalitaan ko kayo kapag naging macho star na ako ng sarili kong pelikula (kapag nauso na ulit yung homeless look)
There's a big world out there and we have but one life to live. We will only be able to take these chances once so we have to take those that count whenever we can. Never be afraid to venture out of what you already are comfortable with. Always live life as you would a team building challenge. Mistakes will set us back every now and then, but it's all part of a greater plan. And for the love of everything holy, sane, and standardized, always make sure you save your work and make backups. (Kunwari may sense pa rin ang aking mga sinasabi.)
Kung may maitutulong po ako, sabihin nyo lang at susubukan ko sa aking makakaya, wag lang sa pera, pagibig, at AS400 - wala akong alam sa mga yan.
Yun na lang po. Para sa benefit ng mga taong mahilig magscroll down at ayaw magbasa, uulitin ko na lang ung sinabi ko sa itaas.
"Paalam at salamat po."
Tunay nang namamaalam,
Red Kinoko
THIS IS AN AUTOGENERATED MESSAGE. DO NOT REPLY TO THIS ADDRESS. THIS MESSAGE WILL SELF DESTRUCT IN 5. 4. 3. 2. 1. 0. -1. -2. -3 -4... NAKALIMUTAN KO LAGYAN NG PARAMETER CHECKING.
1 comment:
Ako kaya marami excited matapos ang pagbabasa ng iyong blog. Ang iyong blog ay tunay marami makabagong at marami helpful.
Letters
Post a Comment